Labis na ikinalungot ni Megastar Sharon Cuneta ang naging desisyon ng Kongreso na hindi bigyan ng prangkisa ang ABS CBN.
Sa isang mahabang post sa Instagram, ang Kapamilya aktres ay nagreklamo laban sa mga mambabatas dahil sa pagsunog umano ng mga ito sa kanyang naging tahanan.
“Parang sinunog ang bahay namin. Parang pinatay na rin ang pamilya namin, lalo na ang 11,000 na hindi ganon ganon lang makakahanap ng trabaho ngayon lalo sa panahong ito,” ayon sa aktres
Ayon kay Sharon, siya at si Angel Locsin ay lalapit sana sa mga bossing ng ABS-CBN upang matulungan ang pag-ayos ng mga bagay kung nabigyan sila ng isa pang pagkakataon.
“Pero kung nabigyan ako at nila Angel ng pagkakataon, sana nakausap namin ang mga Boss at kahit paano ay nakatulong kami sa ilang daang mga Kuya naming alam namin kung gaano kahirap ang mga naging trabaho. Sana nabigyan pa ng pagkakataon ang mga namamahala na itama lahat ng pagkakamali,”Aniya
Sinabi niya na ang mga boss ng ABS-CBN ay mapagpakumbaba at disente ngunit itinuring na parang kriminal ng ilang mga kongresista sa panahon ng pagdinig.
Kinilala din umano ng mga executive ng ABS-CBN ang mga pagkakamali at nangako na iwasto ang mga ito ngunit hindi pinakinggan ng Kongreso.
“Parang paulit-ulit lang ang mga tanong pero sinagot ng mapagkumbaba, disente, umamin sa mali at nangako sa harap ng milyong-milyong Pilipino na babaguhin ang mali. Wala namang kahit sinong kumpanya o tao ang perpekto. Tapos, napakabilis pala lang ng desisyong huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN,”ani Sharon
Sa kabila ng pagsara ng ABS-CBN, ang asawa ni Senador Francis Pangilinan ay umaasa na ang kapalaran ng network ay muling iikot.
“Salamat din po sa mga nagdasal at nagdadasal pa para sa ABS-CBN. Bilog po ang mundo. At buhay na buhay ang Diyos. Siya ang may hawak at may alam ng lahat ng mangyayari bukas,” aniya