Hindi pa lubos na humuhupa ang viral video tungkol sa nangyaring pagharang ng ng mga barangay official sa Bulacan na nangharang ng food delivery rider na maghahatid ng lugaw, isa na namang opisyal ng barangay ang nangharang ng food delivery sa isang checkpoint sa Tarlac.
Sa video na ibinahagi ng Foodpanda delivery rider, mapapanood ang isang lalaki na may kasamang mga pulis, na nagsabing hindi exempted sa curfew ang mga food delivery riders. Ayon sa ilang netizens, ang lalaki ay ang chairman ng Barangay Sto. Cristo sa Tarlac City.
“Kaya sabi ko hindi kayo exempted sa curfew. Kasama kayo sa curfew,” sabi ng barangay chairman.
Sinang-ayunan naman ng isang pulis ang pinagsasabi ni kapitan.
Base sa pangangatwiran ng kapitan, hindi nito kinilala ang awtoridad ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsabi na puwedeng magtrabaho ng 24/7 ang mga food delivery.
Isa sa mga riders ang nagpaliwanag na 24/7 puwedeng magtrabaho ang mga delivery riders, base sa naging direktiba ni Sec. Roque.
“Si Secretary Harry Roque po, nag-declare po siya…ang food delivery po 24/7 po siya,” saad ng delivery rider.
Ang paliwanag ng rider ay kinontra naman ng kapitan. Kahit daw nagdeklara si Sec. Roque, ang masusunod pa rin daw ay ang local government units (LGU) o mga mayor.
Dahil sa ginawa ng kapitan ay inulan ito ng mga pambabatikos mula sa mga netizens.
Naglabas na ng pahayag si alkalde ng Tarlac City Mayor Cristy Angeles na hindi kasama sa curfew hours ang mga food delivery riders.