Wednesday, April 7, 2021

WATCH| Mga Bumbero, Nabiktima ng Prank Call sa San Juan, Rumesponde sila ng Wala namang Sunog "Makonsensya Sana!"

0


Sa panahon ng mga sakuna kagaya ng sunog, napakahalaga ng tungkuling ginagampanan ng mga bayani nating bumbero sa pagliligtas ng buhay at ari-arian ng marami nating kababayan. Subalit, papaano kung sila mismo ang maging biktima ng mga taong nagsasayang ng oras ng kapwa?

Sa Barangay Batis sa San Juan nitong nakaraang Linggo nang gabi, nabulabog ang mahimbing sanang tulog ng mga residente roon dahil sa sunud-sunod na pagdating ng mga trak ng bumbero sa kanilang lugar. Ang ipinagtataka ng mga residente, wala namang nagaganap na sunog sa kanilang mga kabahayan nang mga oras na nabanggit.

Ayon sa isang residente ng lugar na si Lester Macion, bandang alas-10:00 nang gabi nang magsimulang magdatingan ang mga trak ng bumbero sa tapat ng bahay na kanyang tinitirhan.
Isang tanod umano ang lumabas at matapos inspeksyunin ang lugar ay kinumpirma umano nito na wala namang sunog na nangyayari nang mga oras na iyon. Narinig umano ni Macion na sinabi ng isang bumbero na tila na-“prank” umano sila.

“Nag-stay po ‘yung mga fire truck po nang mga 10 minutes po,” saad ni Macion.

Ayon naman sa isa pang residente na si Emil Deveza, hindi umano nila naiwasang mataranta nang marinig ang mga sirena ng sunud-sunod na fire trucks, lalo na’t pawang mga senior citizens na ang kasama niya sa tinitirhang bahay.

Kasalukuyan na umanong iniimbistigahan ng Bureau of Fire Protection- NCR ang nasabing prank call. Ayon sa ahensiya, tumawag umano ang prank caller sa 911 noong gabing iyon at ibinato sa kanila ang tawag, subalit habang tumatakbo na raw ang mga tauhan ng BFP ay hindi na makontak ng operator ang numerong ginamit ng caller.

Mariin namang kinundena ni BFP-NCR Spokesperson F/Sinsp Anna Rizza Celoso ang nasabing prank call. Ayon sa BFP, hindi lamang umano aksaya sa gastos ng pamahalaan ang naidudulot ng mga ganitiong pekeng tawag, kundi aksaya rin sa bawat minutong mailalaan sana sa pagresponde sa totoong emergency.

“Sa part ng mga responders natin, nagmamadali kami, parang ganun. Hindi ‘yan ‘yung tipong ‘pag tumawag kayo, ‘pag tumatakbo ang truck eh ordinaryong takbo eh. Siyempre ho mabilis, so kung pagpunta mo pala dun, wala ka naman palang dadatnan, puwedeng along the way may nadisgrasyang bumbero, pwede rin kaming nakadisgrasya ng iba. Tapos, nakaabala pa kami sa neighborhood,” saad ni Celoso.

Sa ilalim ng Presidential Decree 1727, maaaring makulong nang hanggang limang taon o magmulta ng hanggang P40,000 ang mga pranksters na magpapakalat ng maling impormasyon.

Gayunpaman, ayon sa BFP, nahihirapan umano silang tuntunin ang prank callers na kadalasang gumagamit ng sim card na patapon na. Panawagan ng BFP, huwag aksayahin ang oras at mang-abala ng mga taong nagtatarabaho nang maayos na ang tanging nais lang ay makapaglingkod sa ating mga kababayan.

Sa palagay ninyo, dapat na nga bang ipatupad ang sim card registration sa lalong madaling panahon?


Author Image

About today
Soratemplates is a blogger resources site is a provider of high quality blogger template with premium looking layout and robust design

No comments:

Post a Comment